
AFP ITINANGGING GINAGAWANG WAR TROPHY ANG LABI NI JEVELYN CULLAMAT
Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines ang alegasyon ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na ginawang war trophy ng militar ang bangkay ng kanyang anak na New People’s Army member na si Jevelyn Cullamat.
Ang pagtanggi ay ginawa ng militar matapos na kumalat sa social media ang larawan ng bangkay ni Jevelyn na nasawi sa pakikipaglaban sa mga tropa ng gubyerno sa Surigao del Sur nitong Sabado.
Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, standard operating procedure sa bawat enkwentro na kunan nila ng larawan ang mga nasawi para sa documentation purposes.
Pero hindi aniya nila polisiya na ipangalandakan sa publiko ang mga larawang ito.
Sinabi ni Arevalo na pa-iimbestigahan ng militar kung paano naikalat sa social media ang larawan ng bangkay ni Jevelyn, at pananagutin ang sinumang dapat managot.
Una naring sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na normal ang pagkuha ng larawan ng mga nasasawi sa labanan, pero inatasan na rin niya ang militar na pag-aralan kung paano mas mabibigyan ng dignidad ang mga nasawi sa labanan, alang-alang sa mga pamilya ng mga namatay.
0 Comments