
BAGONG PLANT SPECIES NATUKLASAN SA MOUNT ARAYAT
Matapos ang tatlong taon ng botanical exploration ng isang grupo ng mananaliksik, isang uri ng halaman na tinatawag ng ‘Pyrostria arayatensis’ ang natagpuan sa Mount Arayat National Park (MANP).
Ang mga mananaliksik na mula sa Angeles University Foundation at University of Sto. Tomas na sina Dr. Marlon Suba, Dr. Axel Arriola, Dr. Grecebio Jonathan Alejandro, Nicolas Raphael Arcangel, Jomari Jalipa, Joaquim Gerardo Jurilla at Jose Manuel Villasenor ay natuklasan ang Pyrostria arayatensis sa mababang kapatagan ng MANP noong 2017 habang nagsasagawa ng botanical study.
Ayon kay Suba, ang natuklasang species ay kabilang sa pamilyang Rubiaceae at endemic sa Pilipinas. Dagdag niya, ang pag-aaral ay bahagi ng kanyang dissertation sa UST at inilathala sa international science journal of Annales Botanici Fennici noong August 10, 2020.
Nakasaad sa pag-aaral na sa Pilipinas, ang Pyrostria ay kasalukuyang kinatawan ng P. elmeri, P. obovatifolia, P. oligophlebia, P. ramosii, P. subsessilifolia at P. trifloral, habang ang status ng konserbasyon ng P. arayatensis ay hindi pa alam.
Ayon kay Paquito Moreno, Jr., executive director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Central Luzon, ang pagtuklas ng bagong species ng halaman ay isang tagapagpahiwatig na ang MANP ay nagpapanatili ng healthy biological diversity, dahil ang mga bihirang katutubong halaman ay patuloy na lumalaki sa lugar.
0 Comments