
BATAS NA NAGBABAWAL SA EXPIRATION NG ‘DI NAGAMIT NA INTERNET ISINUSULONG
Sa Senate Bill No. 1880 na inihain ni Senator Lito Lapid, gusto ng senador na gawing institutionalized ang roll-over data scheme sa internet data.
Nangangahulugan ito na kapag hindi nagamit ang data allocation sa internet data package o internet data promo, hindi na iyon mag-e-expire at sa halip, pwede iyong gamitin sa susunod na buwan.
Ayon kay Lapid, para ito sa maraming Pilipinong nakaasa ngayon sa paggamit ng internet para sa pag-aaral at sa trabaho.
Sa panahon kasi aniya ngayon, hindi na luho ang internet at isa na itong pangangailangan mula sa komunikasyon, pag aaral, hanggang sa operasyon ng negosyo.
Sa ilalim ng panukalang batas, kapag hindi pa rin nagamit sa katapusan ng taon ang natitirang data allocation ay dapat na ito maging rebate at maaring gamitin sa susunod pang subscription.
Pagmumultahin din ng hanggang P1 milyon at pwedeng tanggalan ng lisensya o prangkisa ang internet service provider na hindi susunod.
0 Comments