
CONSUMERS HINIMOK NG DTI NA BUMILI NG LOCALLY-MADE PRODUCTS NGAYONG CHRISTMAS SEASON
Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na tangkilikin ang mga produktong gawang Pinoy ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, mas makabubuti kung bibili ng locally-made goods ang mga consumer para tulungang makabangon ang ekonomiya mula sa coronavirus disease pandemic.
Lahat aniya ng manufactured products sa bansa ay maaaring magresulta sa dagdag-trabaho.
Inihalimbawa ni Castelo ang pagbili ng local brand ng canned goods kaysa imported kung saan makikinabang ang local manufacturer, tataas ang demand at mangangailangan ito ng mas maraming manggagawa.
Ibinahagi rin ng opisyal na sa kabila ng negatibong epekto ng COVID-19 sa ekonomiya, inaasahang tataas ang lebel ng sales promotions ngayong taon lalo na sa online shopping platforms.
Kasabay nito, umapela naman si Castelo sa mga negosyante na maging patas naman sa pagpapataw ng presyo sa kanilang produkto at tiyaking abot-kaya para sa mga Pilipino.
Dapat umanong ikonsidera na marami ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay kaya tiniyak nito na mahigpit na babantayan ng DTI ang presyo ng pangunahing bilihin at pangangailangan.
0 Comments