
FIRECRACKER BAN, PALALAKASIN NG MUNTINLUPA CITY GOVERNMENT
Mas paiigtingin ng pamahalaang panlungsod ng Muntinlupa ang implementasyon ng firecracker ban ngayong nalalapit na ang pagsalubong sa bagong taon.
Ang kampanya ay bahagi ng target na makamit ang zero firecracker-related injury sa tatlong magkakasunod na taon matapos magtagumpay ang Muntinlupa noong 2018 at 2019.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, bawal ang mga paputok at pyrotechnic devices gayundin ang open pipe mufflers at iba pang modifications.
Kaugnay nito ay inatasan na ni Fresnedi ang Peace and Order Council na magtalaga ng checkpoints at magsagawa ng inspeksyon sa palengke at pampublikong lugar sa pakikipagtulungan ng Muntinlupa City Police.
Ang sinumang lalabag sa City Ordinance Number 14-092 ay maaaring pagmultahin ng isanlibo hanggang limang libong piso, habang ang mahuhuling establisimiyento na nagbebenta ng paputok ay makakansela ang permit at license to operate.
Ipinaliwanag pa ng alkalde na ang firecracker ban ay isa sa mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 dahil walang social gathering ang mga residente.
Inaabisuhan ang publiko na gumamit na lamang ng tambol, busina ng sasakyan at kagamitan sa bahay bilang pampaingay sa pagsalubong sa bagong taon lalo’t hindi na inirerekomenda ng Department of Health ang torotot at pito dulot ng banta ng virus.
0 Comments