
MENTAL HEALTH NG MGA SUNDALO PINATITIYAK NI AFP CHIEF GAPAY KASUNOD NG TARLAC SHOOTING
Pinasisiguro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay, na maayos ang mental health ng mga sundalo partikular yung mga nakaranas ng trauma sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ang pahayag ni Gen. Gapay, ay kasunod ng insidente ng pamamaril ng isang pulis sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac kamakailan, kung saan mistulang hindi napigilan ng pulis ang kanyang galit.
Ayon kay Gapay ang “Post Traumatic Stress Disorder” o PTSD, ay bahagi na ng trabaho ng isang sundalo na kinakailangang ma-detect agad upang maagapan.
Kaya hinimok ni Gapay ang mga sundalo, na huwag kimkimin at sa halip ay ibahagi sa kanilang mga pinuno ang kanilang naging karanasan matapos mapasabak sa bakbakan.
Ang detection aniya ang una sa apat na hakbang na sinusunod ng militar upang tulungan ang mga apektadong sundalo, kasunod ang hospitalization upang matutukan ng mga eksperto.
Ikatlo ay ang advocacy, upang palakasin aniya ang kamalayan ng mga sundalo sa epektong dulot ng PTSD sa kanilang kaisipan.
Pang-apat ay ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang maghanap ng bagong mga pamamaraan para matugunan ang mga problemang kanilang kinahaharap.
0 Comments