
PISTA NG STO. NINO SA TONDO, PANDACAN HIHIGPITAN NG MPD
Sa darating na Sabado at Linggo gaganapin ang kapistahan ng Sto.Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila. Bilang bahagi ng paghahanda maghihigpit ang kapulisan sa pagdaraos ng kapistahan nito.
Dahil sa banta ng COVID-19, paalala
ni Police Brig. Gen. Leo Francisco, direktor ng Manila Police District, na hindi nila papapasukin sa simbahan ang mga kabataang edad 15 pababa at matatandang may edad 65 pataas
Ayon ka Francisco, “Doon pa lang sa checkpoint, ‘yan ay mahigpit na ipapatupad. Hindi na sila makakapasok.”
Dagdag pa nito, sa checkpoint, magkakaroon ng bag inspection at kailangang magsuot ng face mask at face shield ang dadalo sa pagdiriwang.
“Nananawagan pa rin ako sa mga mamamayan at lalo na ‘yong mga taga-Tondo na kung puwede doon nalang tayo sa ating bahay para maibsan ang panganib ng COVID.”
Muli rin silang nagpaalala sa mga deboto na panatilihin lagi ang physical distancing.
Sabi ni Francisco,
“Sa ating mga mamamayan na gustong magdiwang sa pista ng Sto. Niño, alam ko po na kayo ay nagnanais na maipakita ang buong pananampalataya sa Sto. Niño, isaisip po natin ang pagsunod sa mga patakaran na inilatag ng ating IATF (Inter-Agency Task Force).”
Pinirmahan naman ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Martes ang Executive Order No. 2 na nagbabawal sa mga street party, stage shows, mga parada at iba pang aktibidad para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
0 Comments