
PUBLIKO HINIKAYAT NA ISUMBONG SA SOCIAL MEDIA ANG MGA MAIINGAY NA BARANGAY
Hinimok ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang publiko na i-report sa mga awtoridad at lokal na pamahalaan ang mga maiingay sa kani-kanilang komunidad sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay Philippine National Police Deputy Chief for Administration at JTF Task Force Commander P/LtG. Guillermo Eleazar, ito ay alinsunod narin sa kautusan ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan na maging istrikto ang mga pulis sa paghuli sa mga nag-iingay sa mga komunidad na nakakaistorbo sa online classes ng mga mag-aaral gayundin sa work from home ng ilang empleyado
Ayon kay Eleazar, 2 pulis ang tatao sa ilalatag nilang Police Assistance Desk na ilalagay sa mga barangay na siyang magbabantay kung nasusunod ba o hindi ang quarantine protocols at mga ordinansang kinalaman sa pag-kakaraoke sa oras ng eskwela.
Kasabay nito, umapela rin si Eleazar sa mga magulang at mismong ang mga mag-aaral na ipag-bigay alam sa kanila ang mga kapitbahay nilang maiingay at nakabubulahaw sa kanilang ginagawa
Maaari rin aniyang gamitin ang Social Media para i-report sa pamamagitan ng pagkuha ng video o larawan gamit ang cellphone sa mga makikitang quarantine violations tulad ng pag-iinuman sa pampublikong lugar, pagbi-videoke at iba pang nakabubulahaw na gawain.
0 Comments